Martes, Abril 29, 2025

Dalubkatawan pala'y anatomiya

DALUBKATAWAN PALA'Y ANATOMIYA

bagong kaalaman, bagong salita
para sa akin kahit ito'y luma
na krosword ang pinanggalingang sadya
tanong sa Una Pahalang pa lang nga

Dalubkatawan, ano nga ba iyan?
Anatomiya pala'y kasagutan
sa sariling wika'y katumbas niyan
at gamit din sa medisina't agham

na sa pagtula'y magagamit natin
pati na sa gawaing pagsasalin
laksang salita ma'y sasaliksikin
upang sariling wika'y paunlarin

salitang ganito'y ipalaganap
di lang sa agham, kundi pangungusap
sa anumang paksang naaapuhap
sa panitikan ma'y gamiting ganap

- gregoriovbituinjr.
04.29.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Abril 28, 2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Infusion complete

INFUSION COMPLETE sa pandinig ko'y tila musika na ang infusion complete pag naririnig sa ospital, tanghali man, umaga o madaling araw, o...