Biyernes, Enero 3, 2025

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS

pag tinali, tinalo, tinola ang labas
pulutan sa alak o kaya'y panghimagas
isinabong ang tandang sa labanang patas
subalit sabungero'y tila minamalas
alaga'y ginawang tinola nang mautas

tinali, tinalo at tinola'y tinala
na tila magkakaugnay silang salita
na sa masa ito'y madaling maunawa
tatlong pantig na nilalaro ang kataga
makata ba'y may nakikitang talinghaga

kaytagal mong inalagaan ang tinali
subalit sa sabungan ay agad nasawi
sapagkat pakpak nito'y nagkabali-bali
at pati leeg nito'y nahiwa ng tari
kaya ang tinali sa tinola nauwi

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

Ang matematika ay sipnayan

ANG MATEMATIKA AY SIPNAYAN

matematika pala'y sipnayan
habang aritmetika'y bilnuran
trigonometry ay tatsihaan
habang geometry ay sukgisan

statistics ay palautatan
iyang algebra ay panandaan
set algebra ay palatangkasan
habang ang calculus ay tayahan

fraction naman ay bahagimbilang
ang salin ng physics ay liknayan
ang chemistry naman ay kapnayan
habang biology ay haynayan

nang mga ito'y aking malaman
ay agad kong napagpasiyahan
pagsasalin ay paghuhusayan
upang magamit sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

Goodbye Daliri

GOODBYE DALIRI

Goodbye Daliri ba ang paputok na iyon
na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon
subalit daliri niya yaong nataboy
nasabugan ng labintador, ay, kaluoy

bagamat sa komiks iyon ay usapan lang
subalit batid natin ang katotohanan
sapagkat maraming naging PWD
nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi

dahil sa maling kultura't paniniwala
ay maraming disgrasya't daliring nawala
di naman babayaran ng kapitalista
ng paputok yaong pagpapagamot nila

sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago
nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025    

Pag-iipon sa tibuyô

PAG-IIPON SA TIBUYÔ

sa tibuyô, barya'y inipon ko
pawang dalawampu't sampung piso
pambili ng pagkain at libro
lalo na't mga aklat-klasiko

sa tibuyo'y ihuhulog ko na
ang anumang barya ko sa bulsa
wala lang doong piso at lima
inipon na'y malakihang barya

tibuyo'y di lang bangkong pambata
kundi alkansya rin ng matanda
kagaya kong tigulang na't mama
mabuting may ipon kaysa wala

dapat laanan din ng panahon
ang pagtitipid upang paglaon
nang may madukot pag nagkataon
pag kakailanganin mo iyon

may mga libro akong kayrami
na mula sa tibuyô nabili
kaya ngayon ako'y nawiwili
magbasa-basa't magmuni-muni

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilang alkansya

Huwebes, Enero 2, 2025

Batang edad 10, patay sa 'Goodbye Philippines'

BATANG EDAD 10, PATAY SA 'GOODBYE PHILIPPINES'

kamalasan ba, sinadya, o aksidente
pagsabog ng 'Goodbye Philippines' ay nangyari
na ikinasawi ng batang edad sampu
kaya kasiyahan nila'y agad naglaho

'Goodbye Philippines' pala'y bawal na totoo
ngunit may umabuso't iba'y naperwisyo
kaya nangyaring iyon ay talagang 'Goodbye'
dahil nawala ay isang musmos na buhay

wala pa akong alam na klaseng paputok
na 'Goodbye Daliri' ang ngalang itinampok
kung 'Goodbye Buhay' man, baka di iyon bilhin
kung may bibili man ay matatapang lang din

ah, kung ako ang ama ng batang nasawi
maghihimutok ako sa kulturang mali
babayaran ba ng kumpanya ng paputok
ang nangyari sa anak ko, di ko maarok

bawat Bagong Taong darating, magluluksa
hibik ko'y wala nang paputok na pupuksa
ng buhay o ng daliring masasabugan
at ang kulturang mali'y dapat nang wakasan!

- gregoriovbituinjr.
01.02.2025

* tula batay sa tampok na balita sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero, 2025, pahina 1 at 2

Ang drawing ni Mayan

ANG DRAWING NI MAYAN

pamangking kong nagngangalang Mayan
ay walang makitang masulatan
naghanap sa munti kong aklatan
ng blangkong papel o kwaderno man

nakita niya ang aking libro
drinowingan ang blangkong espasyo
papangit ang aklat, akala ko
di naman pangit, di rin magulo

sa drawing niya, ako'y humanga
sa magandang aklat pa nakatha
sa espasyo ng librong The Nose nga
si Nikolai Gogol ang may-akda

edad siyam pa lang na pamangkin
ay kayhusay na palang mag-drawing
baka balang araw, siya'y maging
painter o artist pagkat kaygaling

ituloy mo, Mayan, ang pangarap
magpursige ka lang at magsikap
sarili'y sanayin mo nang ganap
at magtagumpay sa hinaharap

- gregoriovbituinjr.
01.02.2024

Pagpapatuloy

PAGPAPATULOY

magbasa ng aklat
na aking nabili
ng nakaraan lang
ang nakahiligan

pagbabasa'y bisyo
ng makatang taring
dito ko natanto
dapat nang gumising

matutong lumaban
tulad ng bayani
nitong kasaysayan
ng bayang naapi

kaya nakibaka
ang makatang tibak
doon sa kalsada
kaharap ma'y parak

ngayong Bagong Taon
tuloy sa mithiin
gagampan sa layon
sistema'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
01.02.2024

Miyerkules, Enero 1, 2025

Pahinga muna

PAHINGA MUNA

matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon
aba'y pahinga muna kami ni Alaga
siya'y nahiga roon sa taas ng kahon
habang ako'y sa munting banig humilata

marahil siya'y humahabi ng pangarap
na magkaroon din ng masayang pamilya
habang naninilay ko'y masang naghihirap
ay guminhawa't mabago na ang sistema

habang nagpapahinga'y kanya-kanya kami
ng asam na lipunang puno ng pangako
na sa pagkilos ay sadya nating maani
isang lipunang pantay-pantay ay mabuo

kanya-kanyang pangarap, adhikaing payak
na ginhawa sa daigdig na ito'y kamtin
di ng iisang pamilya kundi panlahat
walang mayaman, walang mahirap sa atin

- gregoriovbituinjr.
01.01.2024

* Manigong Bagong Taon sa lahat!

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

dumatal ang Bagong Taon, wala pa ring nagbago
maliban sa petsa, hirap pa rin ang mga tao
tingnan mo't bilihin ay kaytaas pa rin ng presyo
iyang kamatis nga, bawat piraso'y sampung piso

Bagong Taon, kapitalismo pa rin ang sistema
nariyan pa rin ang pulitikal na dinastiya
ang pondo ng serbisyo publiko'y binawasan pa
habang nilakihan ang badyet para sa ayuda

di pa rin itinataas ang sahod ng obrero
habang kita ng negosyante'y kaylaking totoo
mandarambong pa rin ang mga nangungunang trapo
wala pang kampanyahan, nangangampanya nang todo

Bagong Taon, may nagbago ba sa buhay ng dukha?
pagsasamantalahan pa rin ba ang manggagawa?
Bagong Taon, anong nagbago? wala, wala, WALA!
aba'y Bagong Taon, Lumang Sistema pa ring sadya!

subalit panata ko, tuloy pa ring mangangarap
na itatayo ang lipunang walang naghihirap
ginhawa ng bawat mamamayan ay malalasap
isang lipunang pagkakapantay ang lalaganap

- gregoriovbituinjr.
01.01.2025

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS pag tinali, tinalo, tinola ang labas pulutan sa alak o kaya'y panghimagas isinabong ang tandang sa ...