Linggo, Hulyo 7, 2024

Baguio Midland Courier

BAGUIO MIDLAND COURIER

nang nasa La Trinidad pa kami ni misis
Baguio Midland Courier ang hilig kong bilhin
kaya nakalulungkot ang kanyang pag-alis
di ko man lang nabili ang huli niyang print

pagkat kami'y nasa Cubao na nakatira
dahil sa trabaho, at dito, ang dyaryo ko'y
iyang Bulgar, Inquirer, Abante't iba pa
imbes yosi't alak, dyaryo ang aking bisyo

sa may tapat ng palengke ng La Trinidad
ay may tindahan ng dyaryong madalas bilhan
O, Baguio Midland Courier, kami'y mapalad
nakilala ka't mahusay na pahayagan

sa iyong mahigit pitumpu't pitong taon
ng pag-iral, sa kasaysayan na'y may ambag
na nagpapatunay ng iyong dedikasyon
sa bayan at sa iyong prinsipyong kaytatag

minsan, nababasa ko'y di lamang balita
kundi kultura, bagamat sa wikang Ingles
masasabi ko'y salamat nang walang hangga
pag-inog mo sa aming puso nagkahugis

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

* litrato mula sa google
* ulat ng Philippine Star: Baguio Midland Courier to shut down after 77 years

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Isang tula bawat araw

ISANG TULA BAWAT ARAW ang puntirya ko'y isang tula bawat araw sa kabila ng trabaho't kaabalahan sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw...