Linggo, Setyembre 3, 2023

Ingatan, huwag ibagsak

INGATAN, HUWAG IBAGSAK

"Fragile, Handle With Care" ang katumbas
nang sa isang kahon ay kalatas
paalala, baka babasagin
ang nasa kahon nilang dadalhin

pinaalam sa sariling wika
pag sa wikang dayo'y di unawa
naisip pang itatak sa kahon
ah, kayhusay ng ganitong layon

bilin: Ingatan, Huwag Ibagsak
sa himpapawid man o sa lubak
pag may basag, di mapapakali
kaya pakaingatang mabuti

salamat sa pagpapaalala
sa puso'y may ginhawang nadama
kahon na'y naingatang malugod
wikang sarili pa'y nataguyod

- gregoriovbituinjr.
09.03.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Salamat sa pamasko ng karinderya

SALAMAT SA PAMASKO NG KARINDERYA mula sa kinakainan kong karinderya sa kanilang suki ay nagregalo sila pamaskong handog sa mga kostumer nila...