Linggo, Nobyembre 6, 2022

Liwayway

LIWAYWAY

koleksyon ko ng mga huling sipi ng Liwayway
dati'y malaki, subalit pinaliit nang tunay
gayunman kaygaganda pa rin ng sinasalaysay
sarap basahing kwento, nobela, tula, sanaysay

dati, pabalat ay larawan ng mga artista
ngayon, napalitan ito ng mga ipininta
dati, animnapung pahina, ngayon, sandaan na
dati, lathala lang, ngayon, may bersyong internet pa

pinagmamalaki kong laki ako sa Liwayway
bata pa'y lagi nang bumibili nito si Tatay
bukod sa lansangan ay dito kami tumatambay
binabasa ang mga akdang napakahuhusay

ngayon ang ikasandaan nitong anibersaryo
nilathalang panitikan at kultura'y narito
sa agos ng kasaysayan ay naging saksi ito
kaytagal nang babasahin sa wikang Filipino

magasing pampamilya mula noon hanggang ngayon
nawa'y manatili kayong babasahin ng nasyon
magpatuloy pa sa ikadalawang daang taon
o ikalawang sentenaryo ay abutin iyon

nawa'y patuloy na sumikat ang bukang liwayway
na laging kasangga sa pagitan ng tuwa't lumbay
sa lahat ditong nagsusulat, mabuhay! mabuhay!
tanging alay sa inyo'y taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
11.06.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Relatibo

RELATIBO sa mga kamag-anak ko't katoto kapisan, kumpare, kaugnayan ko pulitikal at personal ba'y ano? masasabi ba nating relatibo? p...