Biyernes, Abril 30, 2021

Hirit sa huling araw ng Buwan ng Panitikan

HIRIT SA HULING ARAW NG BUWAN NG PANITIKAN

sa Buwan ng Panitikan, tayo nga'y naging saksi
sa dalawang linggong lockdown na sa atin nangyari
sumulpot din ang Maginhawa community pantry
hanggang ginaya ng iba kaya ito dumami

ang buwan ng Abril ay talagang masalimuot
lalo't community pantry'y kayganda ng dinulot
kahit tinawag na ignorante ng punong buktot
ang nagpasimula nito'y huwag tayong matakot

kaya bilang pagtatanggol, kayrami kong kinatha
at binigkis ang mga salita sa kwento't tula
habang nagsasaliksik ng mga isyu't balita
upang sumalamin sa mga kinakathang akda

ang hirit ko'y suportahan ang community pantry
kahit saan man tayo naroroong community
sapagkat pagbabayanihan ay di ignorante
na tulad ng patutsada ng pangulong salbahe

kaisa ako upang panitika'y paunlarin
habang sinusulong ang pagbabayanihan natin
dapat mga mangingisda'y suportahan din natin
pati na magsasakang lumilikha ng pagkain

kaya sa huling araw ng Buwan ng Panitikan
at bisperas ng Mayo Uno sa sandaigdigan
hirit ko'y ituloy natin ang pagbabayanihan,
pagbibigayan, pagdadamayan, pagtutulungan

- gregoriovbituinjr.04.30.2021

* Ang Abril ay Buwan ng Panitikang Filipino, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...