Lunes, Marso 1, 2021

Ang hiling ng manggagawa

ANG HILING NG MANGGAGAWA

ramdam mo ba ang sigaw nitong mga manggagawa
na para sa atin ay makatarungan ngang sadya
subalit sa mga kapitalista'y isang sigwa
sa negosyo't sa tubo'y kaylaki ng mawawala

hiling nila'y "trabahong regular, hindi kontraktwal"
hangad nila'y "obrerong kontraktwal, gawing regular"
manggagawa'y kapwa tao, tinuring na kalakal
ng sistemang kapitalismong di dapat magtagal

"no to flexible work arrangement", ang sabi pa nila
na kung saan gustong itapon ng kapitalista
ay sundin na lang, kahit pagsasamantala'y dama
basta huwag umangal, maski kayod kalabaw pa

living wage, isabatas ang sweldong nakabubuhay!
ang minimum wage ngayon, sa living wage na'y ipantay!
kahilingan ng obrerong sa puso'y pinagtibay
pinagtibay din ng pagkakaisa nilang tunay

sila'y ating samahan sa kanilang mga tindig
tinig nila'y paalingawngawin nang maulinig
sa bawat sulok ng bansa, sila'y magkapitbisig
at sa kapitalismo'y huwag silang palulupig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na  "Children's Atlas: The ideal Atlas for sc...