Huwebes, Pebrero 25, 2021

Karapatan, hindi karahasan!

Karapatan, hindi karahasan!

maliwanag ang panawagan ng matandang iyon
"Karapatan, Hindi Karahasan!" ang kanyang hamon
sa pamahalaan, sa mamamayan, kanyang layon
at paninindigan sa tangan niyang plakard doon

aba'y ilang beses na nga bang winawalanghiya
ang karapatan ng mamamayan, lalo na't dukha
ilang beses na bang masa'y inapi't kinawawa
pati proseso ng batas ay binabalewala

sakit sa kalusugan, idadaan sa pagpatay
kaya maraming ina ang lumuha't naglupasay
bakit dahas ang sagot sa inakalang pasaway
pinaslang agad imbes kausaping malumanay

kaya mensahe ng matanda'y sinasang-ayunan
pagkat iyon sa paniwala ko'y makatarungan
ating isigaw: "Karapatan, Hindi Karahasan!"
na ating iparinig sa namumuno sa bayan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...