INUNA'Y TULÂ KAYSA KUMAIN
madalas ganito ang gawain
kaya ramdam ko'y halos gutumin
una'y pagtula kaysa kumain
inuna'y tula kaysa pagkain
paggising, pagbalikwas, ganito
babangon, susulat agad ako
nasa ulo'y itipang totoo
para bang naging bisyo na ito
kung si misis ay di pa nawalâ
tiyak ako'y sasabihang sadyâ:
"kumain muna bago tumulâ
magpalakas kaysa matulalâ"
sa panahon ay kulang talaga
kaya nasa diwa'y isulat na
salamat sa payò, aking sinta
na hanggang ngayon ay tanda ko pa
naku, di pa ako nag-agahan
at ngayon na'y manananghalian
baka mangyari'y mag-altanghapan:
almusal, tanghalian, hapunan
- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento