Biyernes, Setyembre 4, 2026

Bili na po kayo ng aking libreto

‎BILI NA PO KAYO NG AKING LIBRETO
‎Nabubuhay ako bilang manunulat.
‎Bili na po kayo ng munti kong aklat.
‎Bagamat mura lang, paksa'y mabibigat,
ngunit kung basahin, sa lupà ay lapat.
‎Pag nasalubong mo ako sa lansangan
‎kalabitin ako't sabihang pagbilhan
‎ng anumang dalang libreto saanman,
‎o aking ilatag sa dinadaluhan.
‎Pag nakabili ka ng munti kong libro
‎ay isang araw pang mabubuhay ako.
‎Maraming salamat sa suporta ninyo
‎sa aklat ng abang lingkod na totoo.
‎Bisyo ko'y magsulat, kumatha, tumulâ
‎ng maraming paksang nagmula sa madlâ.
‎Araw-araw, gabi-gabi mang tulalâ 
‎gagawin ang lahat upang makaakdâ.
‎Tulâ, kwento, dagli, pabula't sanaysay
‎pinagsisikapan at pinaghuhusay.
‎Taos pasalamat ang tangi kong alay
‎sa sumusuporta. Mabuhay! Mabuhay!
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nag-iisang tulâ

pinasa sa Liwayway magazine ‎ang iisang tulang nakatha rin ‎‎sana tula'y ilathala nila kung pasok ‎sa kanilang panlasa ‎bagamat ako'...