TULOY LANG SA PAGKATHÂ
tuloy lang sa pagkathâ
samutsari mang paksâ
manggagawa at dukhâ
dilag, nimpa, diwatà
kahit na kalusugan
nitong pangangatawan
kahit na kalungkutan
ng loob at isipan
pagkat sa pagsusulat
at pagtulâ namulat
nanariwà mang sugat
o luhà mang maalat
tititig sa kisame
baka merong mensahe
sa lumbay man sakbibi
ito'y isasantabi
basta makathâ lamang
ang nanilay sa ilang
sa tula'y nalilibang
ang diwa man ay lutang
- gregoriovbituinjr.
02.02.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento