Miyerkules, Pebrero 18, 2026

Di mailarawan sa salitâ

DI MAILARAWAN SA SALITÂ

walang salitâ ang makapaglalarawan
pag minamahal mo'y nawalâ nang tuluyan
dalamhati ang wikang nauunawaan
ng pusò ng makatang dama'y kahungkagan

tila ba naabot ang pinakamalalim
na sulok niring pagkatao't paninimdim
sa init ng araw ang pag-ibig ay lilim
parang matinik na rosas ang nasisimsim

pinipilit harapin ang katotohanang
anumang naganap ay di matatakbuhan
káya pa ba ang masakit na karanasan?
nawa'y patuloy kong angkin ang katatagan

danas ma'y gaano kasakit at katalim
na iwing puso'y hinihiwa nang matiim
laot ay masisisid kahit na malalim
sa kabila ng damang pighati't panimdim

- gregoriovbituinjr.
02.18.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nag-iisang tulâ

pinasa sa Liwayway magazine ‎ang iisang tulang nakatha rin ‎‎sana tula'y ilathala nila kung pasok ‎sa kanilang panlasa ‎bagamat ako'...