SUNNY SIDE UP SA SINAING
paano kung wala kang mantika sa bahay
maulan at baha, ayaw mo nang lumabas
subalit nais ng anak mo'y sunny side up
na itlog, may paraan kung nais lumingap
sa sinaing, bago pa mainin ang kanin
bakatan ng puwet ng baso ang sinaing
pag may puwang na, itlog ay iyong basagin
at ilagay lang sa puwang, lagyan ng asin
ang itlog, sandali'y lilipas, pag nalutò
presto! may sunny side up na ang iyong bunsô
sunny side up sa kanin, tanda ng pagsuyò
at matalinong diskarteng di naglalahò
may sapaw ka pang okra, may sunny side up pa
anong sarap ng kain ninyo sa umaga
sa gas o sa kuryente'y nakatipid ka na
mga mahal mo'y matutuwa pang talaga
- gregoriovbituinjr.
11.10.2025




Walang komento:
Mag-post ng isang Komento