Linggo, Agosto 11, 2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas para sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang una'y Pre-SONA isyu at ang ikalawa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Ang Pre-SONA ay mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 21, bisperas ng SONA ni BBM. Hindi rin dapat ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina. Ang Post-SONA isyu ay mula Hulyo 22 (aktwal na araw ng SONA) hanggang Hulyo 31.

Kada dalawang buwan ay dapat may malathalang Taliba, o dalawang beses isang buwan. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Nilalaman din nito ang pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng patnugutan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita, panitikang dukha, o panitikang proletaryo. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, pagkatha ng mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang taong ito'y ilathala ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa, mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, may masasabi akong pahayagang pinagsusulatan. Agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador upang makausap at makatalakayan ang mga maralita sa iba't ibang komunidad.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Infusion complete

INFUSION COMPLETE pag tumunog na ang aparato "infusion complete" , ang sabi rito ang nars ay agad tatawagin ko dextrose na'y t...