Biyernes, Marso 8, 2024

Isang beses na pagtanggi

ISANG BESES NA PAGTANGGI

ako'y tinanggihan ng isang beses
sa munting kahilingang aking bitbit
aba'y sadyang di na ako umulit
baka sabihan pang ako'y makulit

ang dama ko'y nanliit, napahiya
animo'y isang sisiw na nabasa
parang prinsipyo'y dinurog, piniga
kaya di ko na inulit ang sadya

kung ayaw mo, huwag mo, sabi na lang
pag tumangging isang beses, hayaan
ibig sabihin, siya na'y iwanan
at talagang ayaw sa iyo niyan

ilan lang iyan sa naranasan ko
sa isang tila sikat na totoo
ang mamalimos ng awa'y ayoko
kaya kung ayaw mo, aba'y huwag mo

ngumiti naman siya nang tumanggi
gayunman, nasabi lang sa sarili
ayaw sa akin kaya walang paki
aba'y di na ako uulit, pare

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagpili ng wastong salita

PAGPILI NG WASTONG SALITA pagpili ng wastong salita ay dapat gawin nating kusa hindi iyang pagtutungayaw na pag tumarak ay balaraw wastong s...