Biyernes, Hunyo 3, 2022

Pagmumuni

PAGMUMUNI

I

patumpik-tumpik pa rin sa gaod
habang nananakit ang gulugod
nasa balsa'y nagpapatianod
aba'y di ito nakalulugod

kundi'y sabay-sabay malulunod
kung basta na lang maninikluhod
sa naghahari-hariang "lingkod"
nasa tabing-tabi'y di umisod

II

babasahin ko ang pangungusap
ng makatang lumaki sa hirap
baka makuha sa isang iglap
ang taludtod niyang hinahanap

baka maluha sa isang irap
ng dalagang aking pinangarap
buhay ko man ay aandap-andap
ngunit ayokong kita'y maghirap

III

nais kong mag-araro sa bukid
kasama yaong mga kapatid
kahit paano'y may nababatid
nang gutom ay tuluyang mapatid

anong sarap ng amihang hatid
ng hanging sa akin makaumid
ay makakalikha rin ng lubid
pag pinagsama'y laksang sinulid

IV

sa putikan na nga nagtampisaw
yaong kaysipag niyang kalabaw
na nag-araro ng buong araw
habang uhay ay nagsisisayaw

buti't binti na'y naigagalaw
kanina, pulikat ay humataw
mabuti nang salawal ay lawlaw
huwag lamang binabalisawsaw

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mansanas

MANSANAS noong bata pa kami, si Ama'y may mansanas na bitbit isang mansanas subalit hahatiin ng malililiit para sa aming magkakapatid, s...