Sabado, Hunyo 5, 2021

Patuloy akong kakatha

PATULOY AKONG KAKATHA

patuloy akong gagawa
ng mula sa puso'y tula
magninilay at kakatha
bagamat minsan tulala

at nakalutang sa hangin
kahit ano'y babanggitin
anumang paksa't damdamin
anumang haka't hangarin

basta't magpatuloy lamang
sa paghahanda ng dulang
upang manggang manibalang
ay akin nang matalupan

para sa tangi kong misis
paksa man ay climate justice
o dalitang nagtitiis
sa gutom, hapdi at hapis

sa suporta nyo'y salamat
habambuhay magsusulat
sige lang sa pagmumulat
upang masa'y magdumilat

sa mga katotohanang
nasisira'y kalikasan,
wasak ang kapaligirang
dapat nating alagaan

kaya dapat nagsusuri
nagninilay, naglilimi
na habang namumutawi
sa labi ang bawat mithi

patuloy akong kakatha
ng mula sa puso'y akda
magninilay at tutula
ng pangkalikasang diwa

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021
World Environment Day

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maligayang ika-41 kaarawan, sinta ko

MALIGAYANG IKA-41 KAARAWAN, SINTA KO kahapon, nagising kang walang nakikita di ka kumain ng gabi't nagkaganyan ka di ka rin nakainom ng ...