Huwebes, Oktubre 22, 2020

Nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa

nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa
pulos tiwali ang sa posisyon nagkandarapa
sa sambayanan pa ba'y maglilingkod silang sadya
o magbubutas lang ng bangko, bayan ay kawawa

sigaw ng bayan, supilin ang mga mandarambong!
kung sila'y nariyan pa, bansa'y saan na hahantong?
ligalig ang bayan pag namuno'y laksang ulupong
dapat ay tunay na lingkod upang bansa'y sumulong

ngunit saan matatagpuan ang tunay na lingkod?
sa elitista bang sarili ang tinataguyod?
yaong sa puwet ng kapitalista humihimod?
o yaong sa buwis ng bayan laging nakatanghod?

anang awit, "ang hustisya'y para lang sa mayaman"
habang patuloy pa rin ang matinding kahirapan
dapat obrero't dukha'y maghimagsik nang tuluyan
upang bulok na sistema'y talagang mapalitan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagsasamang maluwat

PAGSASAMANG MALUWAT dapat ang pagsasama'y matibay ito ang lagi kong naninilay si Eros at Venus ba ang gabay o mga magulang ang patnubay ...