Huwebes, Abril 2, 2020

Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari


Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari

nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
animo'y nagpapatuloy pa ang pagkukunwari
"papatayin ko kayo!" sabi ng baliw na hari
karapatang pantao'y balewala't ginagapi

anila, sa dulo ng bahaghari'y may ginto raw
ngunit pinag-interesan ng mga trapo't bugaw
bilyong ginto para sa nasalanta'y inaagaw
tila ito sa likod ng taumbaya'y balaraw

lumitaw ang bahaghari nang matapos ang unos
may bagong unos sa nagprotestang gutom at kapos
nais silang patayin ng hari, ito ang utos
sa kanyang mga asong handang mangagat, umulos

bilyon-bilyong barang ginto'y para sa sambayanan
na sa dulo ng bahaghari'y kukunin na lamang
subalit pilit pinupuslit ng trapong gahaman
gayong nangangamatay na ang mga mamamayan

sa mga tampalasang iyon ay sinong uusig
dapat masa'y kumilos, isyung ito'y isatinig
kaya manggagawa't dukha'y dapat magkapitbisig
upang mga lilo't sukab ay tuluyang malupig

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...