Linggo, Abril 12, 2020

Bukrebyu: Ang Kartilyang Makabayan na sinulat ni Hermenegildo Cruz


BUKREBYU

ANG KARTILYANG MAKABAYAN NA SINULAT NI HERMENEGILDO CRUZ
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko noong Disyembre 9, 2019, sa halagang P50.00 lang ang 72-pahinang aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na nagturo at nag-akay sa Bayang Pilipino sa Paghihimagsik laban sa Kapangyarihang Dayo"

Isinulat ito ni Hermenegildo Cruz, na siya ring nagsulat ng talambuhay ni Gat Francisco Balagtas, at dating kalihim ng Kawanihan ng Paggawa. Inilimbag ito sa Maynila noong ika-16 ng Nobyembre, 1922, na may 5,000 kopya. Ang unang pagpapalimbag na ito ay ipinagawa ng Lupong Tagaganap ng Araw ni Bonifaio, 1922.

Naglalaman ang aklat ng 78 tanong, na bawat isa ay may kasagutan. Naroon din ang salin ni Bonifacio ng tulang Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal, ang Dekalogong sinulat ni Bonifacio, at talaan ng mga petsa't pangyayari sa hulihan na ng aklat.

Tila nakahukay ako ng ginto nang mabili ko ang aklat dahil bibihira na lang ang may kopya nito, lalo na't 98 taon na ang nakalilipas nang ilimbag ito. Natsamba-han ko, ika nga, nang mabili ko ang aklat na ito sa Popular Bookstore sa Timog Avenue, sa Lungsod Quezon. 

Maraming detalye tungkol sa buhay ni Bonifacio at ng Katipunan ang sinikap sagutin sa aklat na ito. Bagamat may isang detalye akong nakitang mali subalit itinama ng ibang historyador. Ayon kay  Jose  P.  Santos,  anim   silang magkakapatid, di lima, at Espiridiona, hindi Petrona ang pangalan ng kapatid ni Andres Bonifacio.

Subalit sa kabuuan, magandang magkaroon ng aklat na ito, hindi lamang upang mabasa ninyo, kundi upang mabasa rin ng mga susunod pang henerasyon, mga anak, mga apo. Maraming salamat.

* Ang maikling artikulong ito'y inihanda at unang nilathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 16.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti s...