Martes, Marso 10, 2020

Ang patalastas ng Breeze at ang kabayanihan ni Roger Casugay


ANG PATALASTAS NG BREEZE AT ANG KABAYANIHAN NI ROGER CASUGAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napanood ko sa bus bago ako umuwi ng bahay ang isang magandang patalastas ng Breeze sa telebisyon.

Dahil dito'y naalala ko ang pagkakapareho ng istoryang iyon sa nangyaring kabayanihan ng ating kababayang si Roger Casugay, na isang surfer at naging gold medalist noong Southeast Asian Games 2019 na naganap sa bansa.

Sa patalastas ng sabong Breeze, maraming batang lalaki ang nagpaligsahan sa pagtakbo. Marahil ay marathon o 100 meter-dash na takbuhan. Ipinakitang nangunguna ang dalawang bata sa takbuhan, subalit biglang nadapa at lumubog sa putik ang isa sa dalawang bata. Ang batang nangunguna sa takbuhan ay napalingon, at sinaklolohan ang batang nadapa. Hanggang maunahan na sila ng iba pang bata.

Tinulungan ng nangungunang bata ang batang nadapa sa putik at halos di na nakabangon. Tila naiiyak pa ang batang nadapa, kaya sinaklolohan niya ito't inalalayan patungong finish line. Dahil sa putik sa damit ng bata, kinakailangan umanong labhan iyon gamit ang Breeze upang muling pumuti.

Sa huli, binigyan ng Sportsmanship Award ang batang sumaklolo sa batang nadapa sa putik. Ang maikling kwentong iyon ay kinuha ng Breeze sa loob ng tatlumpung segundo, na karaniwang tagal ng isang komersyal.

Halos ganito rin ang kwento ng bayaning Pinoy sa Southeast Asian Games. 

Ayon sa mga ulat, nagpaligsahan na sa surfing noong Disyembre 6, 2019, araw ng Biyernes, sa Monaliza Point sa La Union. Nangunguna noon si Roger Casugay laban sa Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat nang mapansin niyang nasira ang tali sa surfing board ni Nurhidayat kaya nalaglag ito't tinangay na ito ng malalaking alon. Dali-daling bumalik si Casugay at tinulungan niya pabalik sa baybayin si Nurhidayat. Sinagip ni Casugay si Nurhidayat na hindi iniisip ang karera upang kamtin ang gintong medalya.

Hinayaan na ni Roger Casugay ang gintong medalya upang mailigtas ang isang kapwa katunggaling Indonesian mula sa pagkalunod. Kinilala at pinuri si Casugay sa social media dahil sa kanyang ginawang kabutihan. 

Sa kalaunan ay nanalo ng gintong medalya sa ikalawang labanan nila ni Nurhidayat na nakakuha ng bronze medal, habang ang silver medal ay nakuha naman ng kapwa Pinoy na si Rogelio Esquivel.

Ang batang sumaklolo sa kanyang kapwa bata, na di alintana ang medalya sanang makukuha, at ang ginawa ni Roger Casugay, ay tunay na kahanga-hanga. Mabuting halimbawa sa mga nakapanood ng patalastas, at nakapanood din ng Southeast Asian Games 2019, ang kabutihan nilang ginawa sa kanilang kapwa. Ang isa'y nadapa't halos di makabangon nang lumubog sa putik, at ang isa'y nalaglag sa kanyang surfing board at nailigtas sa maaaring maganap na pagkalunod.

Maganda ang konsepto ng mga patalastas ng Breeze na karamihan ay tungkol sa pagtulong ng mga bata. At ang bago nilang patalastas na ito, sa tingin ko o sa sarili kong palagay, marahil ay batay sa magandang halimbawa ni Roger Casugay. Naiba lang ang tagpuan subalit ang balangkas ng kwento ay halos pareho.

Ano kaya kung imbitahan ng Breeze si Roger Casugay sa kanilang patalastas? Wala lang, naisip ko lang.

Ginawan ko sila ng tula dahil sa kanilang kabayanihan.

WALA MANG GINTONG MEDALYA

mabuting halimbawa, magkaibang paligsahan
sa komersyal, mga bata'y unahan sa takbuhan
sa Southeast Asian Games, sa surfing naman ang labanan
ngunit katunggali nila'y nadisgrasyang tuluyan

sumaklolo ang bata sa kapwa batang nadapa
nalublob sa putik, di na makabangon ang bata
nalaglag sa tubig ang surfer niyang kasagupa
tinulungan ito ni Casugay, kahanga-hanga

di na nila naisip kamtin ang gintong medalya
basta't kalabang nasa gipit ay tulungan nila
ginawa nila'y tunay na halimbawang kayganda
at talagang inspirasyon na dapat maalala

nakuha man nila o hindi ang asam na ginto
mas magandang kamtin ang nagawa ng gintong puso
pagpupugay, gawang mabuti'y sa inyo'y di bigo
kaya pasalamat namin sa inyo'y buong-buo

- gregbituinjr.
03.10.2020

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Surfing_at_the_2019_Southeast_Asian_Games
https://qz.com/1763786/filipino-surfer-roger-casugay-is-the-hero-of-the-2019-sea-games/
https://www.facebook.com/BreezePhilippines/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...