Martes, Disyembre 23, 2025

Bawat butil, bawat patak

BAWAT BUTIL, BAWAT PATAK

pag ikaw ay magsasaka
bawat butil mahalaga
sa paggamit man ng tubig
bawat patak mahalaga

ang isa'y pinaghirapan
nang may makain ang bayan
tinanim, inalagaan
laking galak pag anihan

kapwa galing kalikasan
ating pinagtrabahuhan
nang pamilya't kabuhayan
kaginhawaha'y makamtan 

kayâ ganyan kahalaga
bawat butil, bawat patak
tiyaking di maaksaya
ang natanggap na biyaya

- gregoriovbituinjr.
12.23.2025

* larawan mula sa google

Lunes, Disyembre 22, 2025

Mga tulâ ko'y di magwawagi

MGA TULÂ KO'Y DI MAGWAWAGI

batid kong sapagkat makamasa,
makabayan, makamaralitâ,
pangkababaihan, magsasaka,
aktibista, makamanggagawà

mga tulâ ko'y di magwawagi
sa anumang mga patimpalak
pawang magaganda'y napipili
gayunpaman, ako'y nagagalak

sa mga akda nilang nanalo
ako sa kanila'y nagpupugay
salamat at buháy pa rin ako
patuloy ang katha't pagninilay

pagkat tulâ ko'y upang magsilbi
sa nakikibakang mamamayan,
sa mga maliliit, naapi,
sa nais mabago ang lipunan

kung sakaling tulâ ko'y magwagi
tiyak di galing sa akademya
kundi sa pagbabakasakali
na gantimpala'y mula sa masa

- gregoriovbituinjr.
12.22.2025

Muli, sa Fiesta Carnival

MULI, SA FIESTA CARNIVAL

sa Fiesta Carnival ay muling tumambay
upang iwing kalooban ay mapalagay
dito kami noon nagkikita ni Libay
upang kumain, upang magkwentuhang tunay

alaalang laging binabalik-balikan
lalo't magpa-Paskong punô ng kalumbayan
mabuti't may madalas pagkaabalahan
magsaliksik, kumatha't rali sa lansangan

magbenta ng mga libreto kong nagawâ
planong magsalibro ng mga bagong akdâ
subukan namang nobela yaong malikhâ
magsulat ng maikling kwento, di lang tulâ

kayraming nakathâ sa Fiesta Carnival
habang naroong sa diwa'y may nakakintal
dito'y madalas nakatambay ng matagal
kakathâ habang nagugunita ang mahal

- gregoriovbituinjr.
12.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17bjRd841V/ 

Linggo, Disyembre 21, 2025

Nagbabakáy si alagà

NAGBABAKÁY SI ALAGÀ

nagbabakáy si alagà sa pagbukas ng pintô
gayong pahingahan niya'y di roon, ibang dakò
baka siya'y gutóm, kung makapagsasalitâ lang
sasabihing "nais kong kumain, ako'y pagbuksan."

minsan, pag-uwi ko, sa banig na'y naroon siya
nakahigâ na sa tulugan ko't nagpapahinga
at sa bangkô ako'y tatalungkô na lang sa antok
doon panagimpan ay hahabihin sa pagtulog

at ngayon, hinihintay akong siya'y papasukin
nakapikit siya, at ayoko nang istorbohin
marahil, may hinahabi rin siyang panaginip
samantalang ako'y nagising at muling iidlip

sana'y umayos na ang paglakad niya't napilay
baka nalaglag sa bubong isang gabing kay-ingay
dapat ang pahinga't tulog namin ay walong oras
upang katawan, puso't isipan ay mapalakas

- gregoriovbituinjr.
12.21.2025

Sabado, Disyembre 20, 2025

Bawal mapagod

BAWAL MAPAGOD

bawal mapagod ang diwà, puso't katawan
magpahinga pa rin ng madalas at minsan
habang naghahanda sa matitinding laban
sa pagsulat at pagkilos para sa bayan

matulog tayo ng walong oras, ang sabi
payò ng matatanda'y sundin araw-gabi
walong basong tubig ang inuming mabuti
katawa'y ipahinga kahit super-busy

minsan, hatinggabi'y gising pa't nagsusulat
nang musa ng panitik ay naritong sukat
antok ako'y di na pinigilang magmulat
upang likhain ang tulang may tugma't sukat

O, Musa ng Panitik, diwa ko't diwatà
pagkat likhang tula'y aking tulay sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
12.20.2025

Biyernes, Disyembre 19, 2025

Pagpupugay sa iyo, Alex Eala!

PAGPUPUGAY SA IYO, ALEX EALA!

tagumpay ang buong taon para sa iyo
sa simulâ pa lang, bigatin ang tinalo
huling tagumpay mo'y iyang gintong medalya
sa Southeast Asian Games ay ikaw ang nanguna

sa kabila ng isyung kurakutan ngayon
O, Alex Eala, isa kang inspirasyon
ang mga kurakot, kahihiyan ng bansâ
ngunit ikaw, Alex, karangalan ng bansâ

mahalaga sa bansa ang iyong tagumpay
dahil pinataas ang moral naming tunay
sa kabilâ ng krimen ng mga kurakot
gintong medalya mo'y pag-asa ang dinulot

ang ngalan mo'y naukit na sa kasaysayan
lalo't pinataob ang maraming kalaban
nang pinakita sa mundo ang iyong husay
mabuhay ka, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.19.2025

Empatso, di empathy, sa corrupt

EMPATSO, DI EMPATHY, SA CORRUPT

empatso, di empathy
sa mga pulitikong kurakot
sa mga sangkot sa ghost flood control
sa mga lingkod bayang kawatan
sa mga dinastiya't balakyot
sa nang-api't mapagsamantala
sa mga TONGresista't senaTONG

empathy, di empatso
sa masang ninakawan ng buwis
sa nagtatrabaho ng marangal
sa mga obrero't mahihirap
sa mga bata't kababaihan
sa inapi't winalan ng tinig
sa masang ninakawan ng dangal

- gregoriovbituinjr.
12.19.2025

Huwebes, Disyembre 18, 2025

Naglalakad pa rin sa kawalan

NAGLALAKAD PA RIN SA KAWALAN

nakatitig lamang ako sa kalangitan
tilà tulalâ pa rin doon sa lansangan
parang si Samwel Bilibit, lakad ng lakad
sa pagkawalâ ni misis, di makausad

lalo na't magpa-Pasko't magba-Bagong Taon
wala pa ring malaking isdang nakukulong
aba'y baka walâ pang limang daang piso
ang aking Noche Buena pagkat nagsosolo

isang kilong bigas, limampung pisong tuyô
malunggay, bawang, sibuyas, kamatis, toyò
walang ham, isang Red Horse, at matutulog na
iyan ang plano ng makatang nag-iisa

lakad ng lakad, nag-eehersisyo man din
pag-uwi ng bahay, hihiga na't hihimbing

- gregoriovbituinjr.
12.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/17zo5Ba6Rw/ 

Mabuhay ka, Islay Erika Bomogao!

MABUHAY KA, ISLAY ERIKA BOMOGAO!

tinalo mo ang Thai sa isports na Muay Thai
iba ka talaga pagkat napakahusay
mabuhay ka sa iyong nakamit na gintô
na sa batà mong edad ay di ka nabigô

kababayan mo si misis na Igorota
bagamat walâ na siya'y naaalala
pag may taga-Cordillera na nagwawagi
sa anumang larangan, di basta nagapi

mula ka sa lahi ng mga mandirigmâ
di kayo nasakop ng buhong na Kastilà
mula sa lahing matatapang, magigiting
sa martial arts, ipinakita mo ang galing

isang puntos lang ang lamang mo sa kalaban
sa larang na bansâ nila ang pinagmulan
mabuhay ka, O, Islay Erika Bomogao!
talà kang sadyang sa daigdig ay lumitaw!

- gregoriovbituinjr.
12.18.2025

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Disyembre 18, 2025, p.8

Miyerkules, Disyembre 17, 2025

Bienvenue, Chez Nous

BIENVENUE, CHEZ NOUS

sa sahig ng nasakyang traysikel
nakasulat: Bienvenue, Chez Nous
Home Sweet Home, habang ako'y pauwi
na para bang ang sasalubong ay
magandang bahay, magandang buhay

kahulugan nito'y sinaliksik
Bienvenue ay Welcome sa Paris
habang Chez Nous naman ay Our Home
kaygandang bati nang pag-uwi'y may
magandang bahay, maalwang buhay

salamat sa sinakyang traysikel
sa nabasa kahit ako'y pagod
sa maghapong paglakò ng aklat
ay may uuwian pa rin akong
bahay na ang loob ko'y palagay

- gregoriovbituinjr.
12.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/16sRK71DTp/ 

Konsehal, kinasuhan ng kapwa konsehal

KONSEHAL, KINASUHAN NG KAPWA KONSEHAL
(Tulâ batay sa balità sa pahayagang Bulgar, isyu ng DIsyembre 17, 2025, tampok na balita, at ulat sa pahina 2)

kapwa ko pa taga-Sampaloc, Maynilà ang sangkot
sa headline ng pahayagang Bulgar ang ibinulgar
konsehala, kinasuhan ang konsehal na buktot
kung mag-isip at sa kabastuhan nitong inasal

ibinulgar sa privilege speech ng konsehala
pati ang 'yoni message' na kahuluga'y kaytindi
paghipo sa kanyang kamay ng tinawag na Kuya
na pawang kabastusan ang ipinamamarali

di iyon paglalambing kundi sa puri'y pagyurak
mabuti't ang konsehala'y matatag at palaban
kinasuhan na ng paglabag sa Safe Spaces Act
ang konsehal na umano'y sagad sa kabastuhan

marami nang mga kurakot, marami pang bastos
kailan lingkod bayan ay magiging makatao?
kayraming trapong sa buwis ng bayan ay nabusog
kailan pa titinó ang mga nabotong trapo?

kayâ tamà lang baligtarin natin ang tatsulok!
sa konsehala ng Distrito Kwatro, pagpupugay!
saludo sa tapang mong labanan ang mga bugok
nawa hustisya'y kamtin mo, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr
12.17.2025

Napilayan si alagà

NAPILAYAN SI ALAGÀ 

nakita kong napilayan siya
sa kapwa pusa'y napalaban ba?
nabangga ba siya't nadisgrasya?
nabidyuhan kong pilay na siya

kauuwi ko lang ng tahanan
nang siya'y agad kong nasilayan
nakaliyad ang paa sa kanan
sa kanya'y bakit nangyari iyan?

biglang umilap, di na umuwi
sa lagay niya'y ano ang sanhi?
ang kalooban ko'y di mawarì
sa kaibigang kapuri-puri

ngayong may pilay, anong gagawin?
sa beterinaryo ba'y dadalhin?
dapat muna siyang pauwiin
upang dito sa bahay gamutin

- gregoriovbituinjr.
12.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1HNexaiUjp/ 

Sa 3 bayaning nagdiwang ng ika-150 kaarawan ngayong 2025

SA 3 BAYANING NAGDIWANG NG IKA-150 KAARAWAN NGAYONG 2025

pagpupugay po kina Oriang, Goyò, at Pingkian
sa kanilang pangsandaan, limampung kaarawan
ngayong taon, kabayanihan nila'y kinilala
na noong panahon ng mananakop nakibaka

si Oriang na asawa ng Supremo Bonifacio
Lakambini ng Katipunan, rebolusyonaryo
si Heneral Goyò ay napatay ng mga Kanô
sa Pasong Tirad, na inalay ang sariling dugô

si Gat Emilio Jacinto, Utak ng Katipunan
kasangga't kaibigan ng Supremo sa kilusan
sa Kartilya ng Katipunan ay siyang may-akda
ang Liwanag at Dilim niya'y pamana ngang sadyâ

taaskamaong pagpupugay sa tatlong bayani
ang halimbawa nila'y inspirasyon sa marami
sa bayan sila'y nagsilbi at nakibakang tunay
nang tayo'y lumayà sa pangil ng mga halimaw

- gregoriovbituinjr.
12.17.2025

* mga litrato mula sa google

Martes, Disyembre 16, 2025

Liwanag mula sa bintanà

LIWANAG MULA SA BINTANÀ

liwanag mula sa bintanà
animo'y maskara ni Batman
matang tila ba namumutlâ
sa akin nakatingin naman

may nakakathang mga tula
mula sa di pangkaraniwan
pag may nakita ang makatâ
sa kanya ngang kapaligiran

ilang halimbawa ang bahâ
at ang isyu ng ghost flood control
may proyekto raw ngunit walâ
buwis natin saan ginugol?

itutulâ anumang paksâ
kahit silang mga kurakot
maisusulat naming sadyâ
bakit dapat silang managot

kung pipili, dapat di hungkag
Kadiliman o Kasamaan?
walâ, walâ kundi Liwanag
ang pangarap ng Sambayanan

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/14SqVT9EkWp/ 

Ang tungkulin bilang makatâ ng bayan

ANG TUNGKULIN BILANG MAKATÂ NG BAYAN

minsang tinuring na / makatâ ng bayan
nang tula'y binigkas / sa isang pagkilos
karangalang pag may / rali sa lansangan
patutulain ka't / dapat handang lubos

may ilang tungkuling / isinasabuhay
lalo't tinuring kang / makatâ ng bayan
pinahalagahan / kayâ nagsisikhay
nang tungkuling ito'y / sadyang magampanan

alamin ang datos / at isyu ng madlâ
sapagkat lalamnin / ng tulang gagawin
tutulâ sa rali / ng obrero't dukhâ
nang kanilang diwa't / puso'y pag-alabin

tulang karaniwang / may tugmâ at sukat
pinagbuti bawat / taludtod at saknong
madaling araw pa'y / mumulat, susulat
sa isyu ng masa / laging nakatuntong

kung may kathang tulâ / ang mga kasama
hihingi ng kopya / nang aking matipon
upang balang araw / ay maisasama
sa maraming akda't / isaaklat iyon

matinding tungkulin / subalit marangal
gagawin ng husay / ang bawat gampanin
kakathâ akong may / buong pagmamahal
na para sa bayan, / tula'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

* salamat sa kasamang kumuha ng litrato

Pagpupugay at pasasalamat, CHR!

PAGPUPUGAY AT PASASALAMAT, CHR!

natanggap ko ang backback ng Biyernes
sa isang forum para sa C.S.O.
may sertipiko pa't payong ng Martes
sabay ng araw ng Lunsad-Aklat ko

may tatak na C.H.R. at islogan
ang backpack at payong na ibinigay
na "Naglilingkod Maging Sino Ka Man"
nag-isip niyon ay napakahusay

kaylalim ng tungkuling ipagtanggol
natin bawat karapatang pantao
sa anumang paglabag tayo'y tutol
pagkat karapatan nati'y sagrado

sa C.H.R., maraming salamat po!
pagpupugay itong mula sa puso!

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

Lunes, Disyembre 15, 2025

Taospusong pasasalamat sa tshirt

TAOSPUSONG PASASALAMAT SA TSHIRT

tinanong muna ako ng isang kasama
kung anong size ng tshirt ko, medium, sagot ko
sunod na tanong niya, ako ba'y lalahok
sa rali o pagkilos patungong Mendiola

sabi ko'y oo, di ako pwedeng mag-absent
lalo't sa Araw ng Karapatang Pantao
doon ay nagkita kami't kanyang binigay
ang tshirt hinggil sa karapatang pantao

lubos at taospusong nagpapasalamat
ang abang makata sa tshirt na natanggap
tshirt man iyon ngunit nakapagmumulat
ako'y binigyang halaga't di nalimutan

sa iyo, kasama, salamat, pagpupugay
nawa ang katulad mo'y dumami pang tunay

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Hinggil sa Lunsad-Aklat ng Disyembre 9

HINGGIL SA LUNSAD-AKLAT NG DISYEMBRE 9

akala ko'y lalangawin ang Lunsad-Aklat
mabuti na lamang, may dumating na tatlo
sila'y pawang sa isyu ng bayan ay mulat
kaya kagalakan ay ramdam kong totoo

sapat iyon upang mabuhayan ng loob
at magsikap pa ring magsulat at kumathâ
kahit sa trabaho'y talagang nakasubsob
tumaas ang aking moral bilang makatâ

marami ring nagsabing di makararating
sa kanila'y pagpupugay at pasalamat
iyon ay respeto na ngang maituturing
sa kanila'y naglaan na ako ng aklat

magpatuloy lang bilang makatâ ng bayan
pati sa pagsusulat ng isyu ng masa
iyan ang ipinayo sa akin ng ilan
kaya ako'y sadyang saludo sa kanila

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* nailunsad ang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa CHR noong Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day
* ngayong Disyembre 15 ang ika-150 kaarawan ng dakilang bayaning si Gat Emilio Jacinto, aka Pingkian

Gutom na kayâ ngumiyaw sa pintô

GUTOM NA KAYÂ NGUMIYAW SA PINTÔ

pusa'y marunong din palang kumatok
upang mabigyan siya ng pagkain
pusang galâ siyang nadama'y gutom
batid din niya paano tumayming

kauuwi ko lang kasi ng bahay
galing sa labas, may inasikaso
pagod, balak kong magpahingang tunay
saka na harapin ang dokumento

paano ko nga ba matatanggihan
ang pusang galang nahuli'y bubuwit
minsang ako'y nagising sa higaan
isang gabing ang ulo ko'y masakit

at binigyan ko siya ng galunggong
sana'y makabusog sa kanya iyon

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1HB3cAYtt2/ 

Ayuda ay kendi lang sa mga trapo

AYUDA AY KENDI LANG SA MGA TRAPO

heto muli tayo, malapit na ang Pasko
may ayuda muli galing sa pulitiko
regalong kendi't pera'y anong pinagmulan?
sa sariling bulsa o sa kaban ng bayan?

regalong ang ngalan ng trapo'y nakatatak
upang sa balota ba'y matandaang tiyak?
may ayuda muling ibibigay sa tao
gayong ayuda'y kendi lang sa mga trapo

pinauso nila ang kulturang ayuda
imbes na magbigay ng trabaho sa masa
imbes living wage ay ibigay sa obrero
pinaasa na lang sa ayuda ang tao

silang mga trapo'y hubaran ng maskara
baka mapansing galing silang dinastiya
iisang apelyido, mula isang angkan
namamana rin ba kung kurakot ang yaman?

matuto na tayo sa isyu ng flood control
matuto na rin tayong sa trapo'y tumutol
tanggapin ang ayudang mula buwis natin
huwag nang hayaang trapo tayo't lokohin

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Bawat butil, bawat patak

BAWAT BUTIL, BAWAT PATAK pag ikaw ay magsasaka bawat butil mahalaga sa paggamit man ng tubig bawat patak mahalaga ang isa'y pinaghirapan...